NAGLABAS ng pahayag si ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo hinggil sa pagkakadismiss nito sa petisyon sa Commission on Elections (Comelec) sa kasong disqualification sa kanyang kandidatura para sa pagka- Senador sa darating na May 2025.
Sinabi ni Tulfo na nagpasalamat siya sa Poong Maykapal at taos-puso rin siyang nagpapasalamat sa 1st Division ng Commission on Eletions para sa makatarungan at patas na desisyon nito.
“Ang pagkakadismiss ng kaso ay dahil sa hindi pagsunod ng petitioner sa mga kinakailangang rekisito ng COMELEC ay patunay ng integridad ng ating halalan at ng kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso”, ani ni Tulfo.
Ayon pa kay Tulfo, tiwala siyang naninindigan sa kalayaan at pagiging patas ng COMELEC. Ang desisyong ito ay nagpapatunay sa matibay na paninindigan ng Komisyon sa katarungan at sa pagpapanatili ng kredibilidad ng ating demokratikong institusyon.
Dagdag pa niya, “Bilang lingkod-bayan, nananatili akong tapat sa aking tungkulin na maglingkod nang may integridad, katapatan, at pagsunod sa batas. Ang desisyong ito ay nagbibigay-daan upang lalo maituon ang aking oras at pagsisikap sa paglilingkod sa ating mga kababayan at sa pagsusulong ng kanilang kapakanan sa Kongreso.”
“Muli, lubos akong nagpapasalamat sa COMELEC sa kanilang pagsisikap at pagiging patas sa paghawak ng kasong ito. Salamat din sa aking mga taga-suporta sa inyong patuloy na tiwala at suporta” Ani pa ni Tulfo.
