
HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang National Electrification Administration (NEA) na kunin ang kontrol sa pamamahala ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa gitna ng palagiang brownout sa lalawigan.
Inatasan ng NEA noong nakaraang linggo si Atty. Ivan Zamora, Department Manager sa Management and Consultancy Services Office (MCSO) ng kumpanya, upang maging Project Supervisor na siya munang magbabantay sa operasyon ng PALECO.
Batay kasi sa pinakahuling rekord ng NEA, kung pagbabasehan ang System Average Interruption Frequency Index (SAIFI) ay hindi compliant o hindi sumusunod ang PALECO sa reliability standards. Ang mga unplanned power interruptions ng PALECO ay umabot sa 27.34 noong 2022 at 21.878 noong 2023, ayon kay Gatchalian.
Dagdag pa niya, pagdating sa kalidad ng kuryente, hindi rin sumusunod ang PALECO sa mga pamantayang itinakda ng Philippine Distribution Code.
“Kung hindi magampanan ng PALECO ang mandato nito na magsuplay ng sapat at abot-kayang kuryente sa Palawan, mas mainam nang kunin ng NEA ang responsibilidad ng pagpapatakbo ng kuryente sa probinsya,” ani Gatchalian, na sumusuporta sa mga panawagan ng consumer group na Palawan Electric Member-Consumer-Owners (PEMCO) na ibigay na sa NEA ang pamumuno sa pamamahala ng nasabing electric cooperative (EC).
“Malaking dagok sa buhay ng ating mga kababayan sa Palawan ang palagiang brownout. Dapat maglatag na ng pangmatagalang solusyon ang NEA at Department of Energy (DOE) sa lalong madaling panahon para sa kapakanan ng mga konsyumer,” ayon kay Gatchalian. Aniya, ang PALECO ay kasalukuyang nasa ilalim ng kategoryang ‘AA’ at itinuturing na isang uri ng ‘Yellow EC.’
Ang rating na AAA ang pinakamataas na score na ibinibigay ng NEA sa mga EC na nagsasaad ng ganap na pagsunod sa lahat ng guidelines o pamantayan. Ang rating na D ang pinakamababa. Samantala, itinuturing na ‘Yellow’ naman ang isang EC kung hindi ito sumusunod sa apat o higit pa sa tatlong pangunahing pamantayan ng mga alituntunin ng NEA.
Noong Disyembre 2018, nag take over na rin ang NEA sa pamamahala ng PALECO dahil sa madalas na brownout noong panahon ding iyon.