NAGKASA ng operasyon ng pinagsanib pwersa ng mga operatiba noong Huwebes ng gabi sa Laguna laban sa isang Chinese national na itinuturing na “godfather” o malaking boss ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sinabi ni Undersecretary Gilbert Cruz, executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na nahuli si Lyu Dong ng mga tauhan ng PAOCC at Bureau of Immigration sa loob ng isang subdivision sa Biñan City bandang alas-8 ng gabi noong Huwebes.
Ayon kay Cruz, gumagamit si Dong ng iba’t ibang alyas tulad ng Boss Boga, Xiaolong, A Pao, at Hao Hao, na nangangahulugang boss ng lahat ng boss.
Si Dong ay isinailalim sa surveillance bago siya nahuli, kasama ang ilang kasamang Chinese na sinasabing mga kilalang lider ng POGO at kanilang mga bodyguards.
“Eto yung puwede nating sabihing kingpin ng mga POGO dito sa atin kasi 2016 pa dumating yan. Simula noon nagtayo na siya ng mga POGO diyan sa may Region 3, Region 1, sa Region 4 at dito sa Metro Manila. Marami siyang itinayong mga POGO at tinitingnan natin yung involvement niya,” sabi ni Cruz.
Ayon sa opisyal ng PAOCC, lumabas ang pangalan ni Dong sa imbestigasyon sa Lucky South 99, ang POGO hub na na-raid sa Pampanga noong Hunyo dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa human trafficking at scams.
Sinabi ni Cruz na si Dong ay kabilang sa mga nabanggit sa Porac POGO, Lucky South 99.
“Pinapahanap namin siya sa loob ng halos walong buwan,” dagdag ni Cruz.
Ang elusive suspect, ayon kay Cruz, ay nag-ooperate din ng POGO sa Biñan City.
“Kapag hinahanap nga namin ito, gumagamit din ito ng chopper. Nahihirapan kaming sundan itong si Lyu Dong,” aniya.
Gamit din ng suspek ang mga bulletproof na sasakyan.
Samantala, 13 na foreigners at siyam na Pilipino na pinaniniwalaang konektado sa Porac POGO ang naaresto din sa operasyon.