
NAMATAY ang isang 12-taong gulang na batang babae habang tatlo pang iba ang nasugatan nang mahulog sa poso negro sa kanilang paaralan sa Alfonso, Cavite noong Lunes.
Kinilala ng Alfonso Police Station ang biktima na si Criszel, Grade 5 student sa Sinaliw Malaki Elementary School sa Bgy. Sinaliw Malaki.
Habang nasugatan ang tatlo pang kaklase ni Criszel na hindi pa napapangalanan.
Ayon sa imbestigasyon, nagtatanghalian ang apat na estudyante nang biglang bumagsak ang kongkretong upuan na kanilang inuupuan bandang 12:40 p.m. noong Lunes.
Nahulog ang apat sa poso negro.
Dinala si Criszel sa pinakamalapit na ospital, kung saan siya ay idineklarang dead on arrival.
Agad na nag-utos ang mga awtoridad ng paaralan ng suspensyon ng klase matapos ang insidente.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.