INILUNSAD sa Sto. Tomas, Batangas ang bagong programa ng Department of Agriculture (DA) sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.— ang Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG), KADIWA ay Yaman (KAY), at Plants for Bountiful Barangays Movement (PBBM) noong ika-1 ng Marso.
Kaisa ito sa pagpapasinaya ng nasyonal sa naturang aktibidad na ginanap sa Rizal Park, Manila na binigyang katuparan sa ilalim ng kooperasyon ng DA sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry (BPI), National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), at High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Local Government Units (LGUs), at iba pang National Government Agencies (NGAs).
Alinsunod sa DA Administrative Order No. 3 Series of 2022 na nagtatakdang itatag ang NUPAP bilang bagong banner program ng Kagawaran, layon ng ‘HAPAG KAY PBBM’ na magpokus sa pagtatayo ng mga taniman ng prutas at gulay sa mga komunidad, barangay, o kani-kanilang bakuran.
Bukod sa inisyatibong ito upang mapataas pa ang produksyon ng pagkain sa bansa ay hangad din ng programang maipagpatuloy ang malawakang pag-uugnay ng mga magsasaka sa merkado sa pamamagitan ng KADIWA.
Kaya naman sa bayan ng Sto. Tomas ay tinipon ng DA IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga samahan ng maggugulay at magpuprutas upang simulan ang community gardens kasabay ng pag-anyaya sa tatlumpu’t siyam (39) na Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa rehiyon ng CALABARZON na direktang magbenta sa KADIWA ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang HAPAG KAY PBBM ay bahagi ng mga paraan na ginagawa ng gobyerno upang malimitahan ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga ahensya at lokal na pamahalaan tungo sa masaganang sektor ng agrikultura at maunlad na ekonomiya.
Samantala, inaasahan ang mga karagdagan pang agrikultural na suporta sa bayan ng Sto. Tomas sa taong 2023 sa tulong-pinansyal na ipinagkaloob ng Kagawaran na aabot sa mahigit P12.4 milyong piso.