PATULOY ang pagbabadya ng mas malalakas na pag-ulan at pagbaha sa Luzon ang patuloy na epekto ng habagat mula ngayong Sabado hanggang Martes.
Kasabay nito, kapansin-pansin ang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilang pangunahing dam sa Luzon.
Pinakamalaki ang itinaas sa Angat Dam na nadagdagan ng 1.40 metro, habang 0.74 metro naman ang itinaas sa Ipo Dam at 0.50 metro sa San Roque Dam.
Patuloy rin ang pagpapakawala ng tubig sa Ambuklao Dam, kung saan apat na gate ang bukas, habang anim na gate naman ang nakabukas sa Binga Dam.
Samantala, nagpapatuloy ang controlled water release sa Ipo Dam habang patuloy ang pag-ulan.
Naiulat na rin ang pagbaha sa ilang lugar kabilang ang Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Laguna at Cavite.
Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at handa sa posibleng paglala ng sitwasyon, lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar at malapit sa mga ilog at daluyan ng tubig.
Pinapayuhan ang lahat na sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na update ukol sa lagay ng panahon at mga dam.
