
MULING iginiit ng Land Transportation Office o LTO ang panawagan laban sa llegal na paggamit ng blinker at sirena o wangwang sa mga sasakyang hindi naman awtorisado ng batas.
Ang paalala ay bunsod ng isang insidente ng pagkakasagasa sa isang traffic enforcer ng ahensya matapos tangkain ng isang SUV na sadyang labagin ang batas-trapiko na may plakang C4 N604 at minamaneho ng suspek na nakilalang si Felix Malapitan Luakian Jr .
Ayon sa ulat, sisitahin sana ng mga LTO personnel ang naturang sasakyan nang nagbukas ng blinker at ng wangwang ang driver ng naturang behikulo at hindi hinintuan ang mga awtoridad.
Sa kanyang pagtakas ay naipit pa ang paa ng traffic enforcer na si Butch Sebastian ng Motorcylce Unit ng ahensya.
Hinabol ng mga LTO officers ang suspek sa tulong na rin ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority o MMDA.
Kalaunan ay isinurender din ng suspek ang kanyang lisensya sa isang pulis na napadaan sa lugar ng insidente.
Ayon kay Atty. Aminola “Alex” Abaton, legal consultant ng LTO, may karampatang parusa ang lalabag sa tamang paggamit ng wang wang at blinker.
Panawagan naman ni Sebastian, na sana ay irespeto silang mga nakauniporme sa pagmamando ng trapiko sa mga lansangan.