
NAGSAMPA ng pormal na reklamo ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture sa Manila City Prosecutor’s Office laban sa JRA at Pearl Enterprises Inc. at sa mga direktor nito dahil sa pag-import ng sariwang putting sibuyas na labag sa food safety at plant quarantine regulations.
Ang reklamo, na inihain ni Henrick Exconde, Area Manager ng National Plant Quarantine Division ng BPI sa Port of Manila – South Harbor, ay nagmula sa pag-aangkat ng JRA ng 25 metric tons ng sariwang puting sibuyas mula sa China nang walang kinakailangang import permit.
Ang kargamento, na may tinatayang halaga na P2.37 milyon, ay na-consign sa JRA at dumating sa South Harbor ng Manila noong Hulyo.
Isinalaysay ni Exconde na sa panahon ng importasyon, sinuspinde ng BPI ang pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) para sa sariwang dilaw na sibuyas
“Mahalagang tandaan na sa panahong ito, sinuspinde ng BPI ang pag-isyu ng SPSICs para sa mga bagong import na puting sibuyas,” sabi ni Exconde sa kanyang reklamo.
Ipinatigil ng BPI ang pag-iisyu ng import permit para sa sariwang puting sibuyas mula Enero 1 hanggang Agosto 19 ng nakaraang taon.
Gayunpaman, nabigo ang JRA na magbigay ng kasiya-siyang paliwanag kung bakit ito nag-import ng mga sibuyas nang hindi muna nakuha ang kinakailangang SPSIC, isang sertipikasyon na nagtitiyak na ang mga gulay ay ligtas para sa pagkain ng tao at hindi magkakalat ng mga peste o sakit sa halaman.
Pinangalanan din bilang respondents sa reklamo sina JRA President Jessica Pascual, kasama ang mga direktor na sina Jacob Tuballa, Perlita Tuballa, Joezel Tuballa, at Joward Tuballa.
Ang JRA na nakabase sa Paranaque ay isang rehistradong negosyo sa Securities and Exchange Commission.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na ang reklamo ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng Department of Agriculture na pangalagaan ang mga lokal na magsasaka at mamimili mula sa hindi patas na mga gawi sa kalakalan at potensyal na panganib sa kalusugan ng publiko.