
PATAY ang isang 31-anyos na babae at ang kanyang tatlong anak sa sunog sa bahay sa Sta. Maria, Bulacan.
Ayon sa isang ulat, bukod sa ina, ang kanyang mga anak na may edad 1, 3, at 6, ay binawian ng buhay sa sunog.
Sumiklab ang sunog sa tahanan ng mga biktima sa Bgy. San Vicente, Sta. Maria, Bulacan.
Ayon sa mga kapitbahay, nakakita sila ng usok na lumabas sa bahay ng mga biktima. Agad silang rumesponde at sinira ang gate para iligtas ang mga bata sa loob.
Base sa pagsisiyasat, dumaranas ng matinding depresyon ang ina kaya humantong sa pagsunog sa kanyang mga anak na agad nilang ikinamatay.
Batay sa salaysay ng isang kapitbahay, bago namatay ang panganay na anak ng babae, nasabi niyang binuhusan sila ng kanilang ina ng paint thinner bago sila sinunog.
Dead on the spot ang 1-anyos na batang lalaki habang ang ina at dalawa pa niyang anak na nagtamo ng matinding sugat ay dinala sa ospital at nawalan na ng buhay.
Natagpuan ng mga rumespondeng bumbero sa pinangyarihan ng krimen ang isang posporo at walong bote ng paint thinner.
Sinabi ng mga awtoridad na bago ang kalunos-lunos na insidente, nagpunta ang babae sa barangay hall upang magpa-blotter at binanggit ang mga problema nilang mag-asawa. Laking gulat nila nang kinabukasan ang kakila-kilabot na pangyayari.
Samantala, nasa Batangas naman ang asawa ng babae nang mangyari ang insidente.