BUMABA sa 6.8 porsyento ang inflation rate ng bansa nitong Mayo 2026 mula sa 7.2 porsyento noong Abril ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, nakatulong sa pagbaba ng inflation ang mas mabagal na pagtaas ng pasahe, presyo ng pagkain, at mga gastusin sa pabahay.
Nakatulong din ang mga programa at hakbang ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis S. Mapa na ang average inflation rate mula Enero hanggang Mayo 2026 ay nasa 4.5 porsyento.
Batay sa datos ng PSA, bumaba ang inflation sa sektor ng transportasyon sa 16.2 porsyento noong Mayo.
Malaki ang naging epekto nito sa kabuuang pagbaba ng inflation dahil mas mabagal ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.
Nakatulong din ang sektor ng pagkain at mga non-alcoholic drinks, na nagtala ng 5.7 porsyentong inflation rate.
Sinabi ni Mapa na mas mabagal ang pagtaas ng presyo ng mga gulay, root crops, saging, sibuyas, isda at iba pang pagkaing-dagat.
Patuloy ding bumababa ang presyo ng karne ng baboy.
Samantala, nagtala ng 7.8 porsyentong inflation rate ang sektor ng pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang panggatong o fuel.
Nakatulong dito ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng LPG, upa sa bahay at kerosene.
Ang pagbaba ng presyo ng pagkain pa rin ang nangungunang factor ng pagbaba ng inflation, kabilang na ang bigas at iba pang produktong cereal.
Una nang ipinatupad ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang mabawasan ang epekto ng inflation sa mga mamamayan.
Nagbibigay ang UPLIFT ng tulong sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at tumutulong sa pagpapatatag ng suplay at presyo ng mga pangunahing produkto.
Inilunsad ang UPLIFT sa pamamagitan ng Executive Order No. 110 na nilagdaan noong Marso 24, 2026 bilang tugon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at iba pang hamon sa ekonomiya.
