PARA kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson, ang iskandalo sa flood control projects ay higit pa sa kaso ng korapsyon–ito ay isang “inside job robbery” na pinapakilos ng kasakiman laban sa sambayanan.
Ayon kay Lacson, na namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa iskandalo, ipinapakita ng lawak ng korapsyong nabunyag ang walang kontrol na kasakiman sa yaman ng mga sangkot dito.
“With all that has been exposed so far by our Senate inquiry, even my ‘corruptionary’ won’t have the words for the insatiable greed of those government officials involved in what I can only describe as an ‘inside job robbery’ committed against the People of the Philippines,” ani Lacson sa isang post sa X nitong Miyerkules ng gabi, sa bisperas ng susunod na pagdinig ng komite.
Dagdag niya, lalo itong nakababahala dahil mismong ang mga opisyal na pinagkatiwalaan ng pera ng taumbayan ang nasa likod ng pandarambong na ito – habang ang karaniwang Pilipino ang nawawalan ng buhay at kabuhayan dahil sa palpak o guniguning proyekto.
Noong Agosto, inilabas ni Lacson ang isang “CORRUPTionary” o kalipunan ng mga terminong ginagamit para ilarawan ang mga pamamaraan ng katiwalian ng ilang mambabatas at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa likod ng mga palpak o guniguning flood control projects.
Mula noon, natuklasan sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang malalaking cash deliveries ng mga contractor sa mga tiwaling inhenyero ng DPWH, mga “hanapbuhay” ng junior personnel hinggil sa requirements, at maging ang isang “leadership fund” na nagpapahintulot sa ilang mambabatas na magpasok ng proyekto sa National Expenditure Program–bukod pa sa iba pang gawain na pinapakilos ng korapsyon.
Dahil dito, tinukoy ni Lacson ang Kongreso bilang “original sin” sa likod ng iskandalo, aniya, kung walang insertions ng mga sakim na mambabatas, hindi magkakaroon ng napakalaking pondong napaglalaruan sa DPWH.
Itinutulak ni Lacson na ang “logical conclusion” sa iskandalong ito ay dapat mauwi sa prosecution, conviction at pagkakakulong ng mga sangkot. Suportado rin niya ang Independent Commission for Infrastructure at mga ahensyang may mandato sa pagsasakdal tulad ng Department of Justice, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebidensyang nakalap ng kanyang opisina at ng Blue Ribbon panel.
