PANSAMANTALANG makalalabas ng New Quezon City Jail si detained Sen. Jinggoy Estrada sa Miyerkules, Agosto 26, para magpa-X-ray sa kanyang tuhod sa isang pribadong ospital.
Pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang kahilingan ni Estrada na sumailalim sa medical examination sa Cardinal Santos Medical Center.
Ayon sa kautusan ng anti-graft court, maaari nang umalis ang senador sa kulungan alas-11 ng umaga upang makarating sa ospital para sa kanyang naka-schedule na procedure alas-1 ng hapon.
Kailangan naman niyang makabalik sa New Quezon City Jail bago mag-alas-3 ng hapon sa parehong araw.
Naka-detain si Estrada habang nililitis ang mga kasong plunder at graft na may kaugnayan sa kontrobersiya sa flood control projects.
Nilinaw ng korte na sariling gastos ni Estrada ang kanyang pagpapagamot, kabilang ang hospital bills, professional fees, transportasyon at iba pang gastusing may kaugnayan sa kanyang medical checkup.
Inatasan din ng Sandiganbayan na samahan siya ng mga itinalagang security escort habang nasa ospital.
Nilimitahan naman ng korte ang mga taong maaaring makasama ng senador. Tanging kanyang immediate family, legal counsel at mga medical personnel na kinakailangan sa procedure ang pinayagan.
Mahigpit ding ipinagbawal ang pagkuha ng larawan o video kay Estrada habang isinasagawa ang kanyang medical procedure, gayundin ang pagpo-post sa social media na may kaugnayan sa kanyang pagpapagamot.
Samantala, inatasan ni Sandiganbayan New Quezon City Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na magsumite ng kumpletong compliance report sa korte sa loob ng tatlong araw matapos makabalik ang senador sa detention facility.
Kailangan ding mabigyan ng kopya ng naturang ulat ang prosecution.
