TIMBOG ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI), ang isang Korean national na wanted na sangkot sa isang malawakang telecommunications fraud scheme sa Korea.
Katuwang ang South Korean police nang isagawa ang pag-aresto sa kahabaan ng Newport Blvd., Pasay City noong Setyembre 25, na humantong sa pagkakadakip kay Hong Saebyeok, 24 anyos.
Pinaghahanap si Hong ng mga awtoridad ng Korea dahil sa telecommunication fraud at money laundering, mga krimen na nanloko ng hindi bababa sa 58 biktima ng humigit-kumulang 50 milyong Won o humigit-kumulang 2 milyong Piso. Siya ay napaulat n bahagi ng isang sindikato ng pandaraya .
Kinumpirma ng Interpol Notice na si Hong ay mayroong standing warrant of arrest na inisyu ng Suwon District Court para sa pandaraya.
Ang pag-verify gamit ang mga tala ng BI ay nagpakita na si HONG ay huling pumasok sa Pilipinas noong Abril 2024 bilang isang temporary visitor. Ang kanyang awtorisadong pamamalagi ay nag-expire noong Nobyembre 2024, at walang visa extension na inihain, na naging dahilan ng kanyang overstaying alien bilang karagdagan sa pagiging isang pugante.
Ang naarestong dayuhan ay inilipat sa BI Warden Facility (BIWF) kung saan siya ay mananatili bago ang deportasyon.
