IPINASA ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 9532, o Universal Access to Digital Academic Learning Resources Act, na magbibigay ng libreng access sa digital textbooks, lecture videos, research papers at iba pang academic resources.
Kasama rin sa panukala ang libreng high-speed Wi-Fi sa mga campus ng pampubliko at pribadong higher education institutions (HEIs).
Naipasa ang panukala sa botong 202 pabor, zero tutol at zero abstain.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, layunin ng batas na mabawasan ang agwat sa edukasyon at tiyaking hindi hadlang ang kakulangan sa pera para makabili ng libro o makapag-internet.
Bubuo rin ng National Academic Content Repository (NACR) sa ilalim ng CHED, katuwang ang DICT at mga higher education institution. Dito makukuha nang libre ang iba’t ibang digital learning materials.
Uunahin sa implementasyon ang mga rural at under-resourced campus para mas mapalawak ang access ng mga estudyanteng higit na nangangailangan.
May nakalaang grants din para sa paggawa ng Filipino at localized academic materials, habang hihikayatin ang mga guro na gumawa at magbahagi ng learning resources.
“Hindi na puwedeng ang kalidad ng pag-aaral ng isang estudyante ay nakadepende sa kung kaya niyang bumili ng mamahaling libro o kung may sapat siyang pera para sa internet,” ani Dy.
Ayon sa Speaker, sa panahon ngayon, bahagi na ng edukasyon ang access sa teknolohiya at hindi dapat mapag-iwanan ang mga estudyanteng kapos sa pera.
