PINAIIMBESTIGAHAN ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang napaulat na ilang gasolinahan na umano’y nagpatupad ng dagdag-presyo sa gasolina bago pa man ang opisyal na oil price adjustment, na aniya’y dagdag-pasanin sa mga motorista.
Sa inihaing House Resolution No. 1217, hiniling ni Tiangco sa House Committee on Energy na silipin ang napaagang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Nanawagan din siya sa Department of Energy (DOE) na higpitan ang pagbabantay sa mga gasolinahan at patawan ng kaukulang parusa ang mga mapatutunayang lumabag sa umiiral na batas.
Giit ng mambabatas, hindi dapat napipilitang magbayad ang mga motorista ng presyong hindi pa dapat ipinatutupad.
“Sa mga tsuper at delivery rider, bawat pisong dagdag sa gasolina ay bawas agad sa iuuwi nila sa pamilya. Hindi luho ang gasolina sa kanila—puhunan nila ito. Kapag sobra o napaaga ang taas-presyo, pagkain sa kanilang lamesa ang nasasakripisyo,” ani Tiangco.
Ang panawagan ay kasabay ng inaasahang panibagong big-time oil price hike ngayong linggo. Tinatayang madaragdagan ng ₱6.00 hanggang ₱6.50 kada litro ang diesel, habang ₱5.50 hanggang ₱6.00 kada litro naman ang gasolina.
Aminado si Tiangco na nakaaapekto sa lokal na presyo ng langis ang mga pangyayari sa pandaigdigang merkado, ngunit iginiit niyang hindi ito dapat gawing dahilan upang maagang magtaas ng presyo ang ilang gasolinahan.
“Nauunawaan nating may mga pangyayari sa ibang bansa na nakaaapekto sa presyo ng langis. Pero hindi ibig sabihin nito na maaari nang mauna ang ilang gasoline station sa pagtataas bago pa man ang opisyal na schedule,” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang pagtaas ng presyo ng langis ay hindi lamang nagpapahirap sa mga motorista kundi maging sa mga commuter at ordinaryong mamimili dahil tumataas din ang pamasahe, delivery charges at presyo ng mga pangunahing bilihin.
Hinikayat ni Tiangco ang DOE na paigtingin ang inspeksiyon sa mga gasolinahan at oil distributor, alamin ang batayan ng kanilang price adjustment, at agad papanagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
Nilinaw naman ng kongresista na ang hinihiling niyang imbestigasyon ay hindi upang agad husgahan ang mga oil company, kundi upang matukoy ang katotohanan, matugunan ang posibleng kakulangan sa regulasyon, at matiyak na napoprotektahan ang interes ng mga motorista.
“Sa panahong halos araw-araw nang pinagkakasya ng mga pamilya ang kanilang kita, hindi natin hahayaang madagdagan pa ang kanilang pasanin dahil sa posibleng overpricing o napaagang taas-presyo,” pagtatapos ni Tiangco.
