NAHARANG ang 21-anyos na babae na pinaghihinalaang biktima ng mail-order bride scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Guangzhou, China.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) na ang pasahero ay naharang noong Marso 10 sa NAIA Terminal 3 bago pa man siya makasakay ng Cebu Pacific flight .
Base sa pahayag ng pasahero siya ay maglalakbay patungong China upang mag-aral ng wika at sinabing siya ay naka-enroll sa isang pampublikong higher vocational engineering college sa lalawigan ng Guangdong. Gayunpaman, napansin ng mga opisyal ang maraming hindi pagkakapare-pareho sa kanyang mga pahayag at ng mga dokumentong ipinakita .
Kalaunan ay inamin na rin ng biktima na siya ay ipakakasal na inayos ng isang hindi nakikilalang ahente at makakatanggap siya ng halagang ₱50,000 pagkatapos ng kasal.
Ang babae ay dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at sasampahan ng mga naaangkop na kaso.
