ISINUSULONG sa kamara ang mas mataas na reimbursement ng gobyerno sa mga state universities and colleges (SUCs) upang matiyak na sapat ang pondo ng mga paaralan para sa dekalidad na edukasyon.
Inihain ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre Acidre ang panukala sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang 2027 budget ng Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay Acidre, kailangang repasuhin ang kasalukuyang tuition rates ng SUCs dahil hindi na umano sapat ang ilang lumang rate para matugunan ang aktuwal na gastos sa edukasyon.
Iminungkahi niyang pag-aralan ang ₱200 kada unit na tuition rate bilang minimum at gawing mas pare-pareho sa mga SUC.
Nilinaw naman ni Acidre na hindi dapat ipasa sa mga estudyante ang anumang dagdag sa tuition dahil gobyerno ang dapat mag-reimburse nito sa ilalim ng Free Higher Education program.
Batay kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, malaki ang agwat ng tuition rates sa mga SUC. May limang paaralan na naniningil ng ₱50 kada unit, habang ang iba ay nasa ₱51 hanggang ₱100, ₱101 hanggang ₱200, at may ilang umaabot sa ₱1,000 kada unit.
Ayon sa CHED, tinatayang ₱11.5 bilyon ang kakailanganin upang itaas sa ₱200 kada unit ang tuition ng mga SUC na mas mababa rito. Sa kasalukuyang ₱9.1 bilyong pondo, kailangan pa ng karagdagang ₱2.4 bilyon.
Samantala, sinabi ni Acidre na kailangan ding tugunan ang kakulangan sa classrooms, guro, kagamitan at iba pang pasilidad sa mga SUC.
Iniulat din ng CHED na 68 porsiyento ng 541 SUC at campuses na isinailalim sa kanilang simulation ay lumampas na sa tinatayang enrollment capacity.
Binanggit din ni Acidre ang tinatayang ₱28-bilyong funding gap sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), na maaaring makaapekto sa kapasidad ng SUCs na tumanggap ng mas maraming estudyante.
Giit ni Acidre, hindi sapat na libre ang tuition. Kailangang tiyakin din ng gobyerno na may sapat na pondo ang mga SUC para makapagbigay ng kalidad na higher education.
