NAGBABALA ang isang mambabatas sa lumalaking paggamit umano ng mga drug syndicate sa social media para targetin at recruit-in ang mga bata sa ilegal na droga.
Isinusulong ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos ang mga hakbang para ipagbawal ang paggamit ng social media sa mga batang edad 13 pababa, dahil sa posibilidad na magamit ang Facebook, TikTok, Instagram at iba pang online platform sa paglapit sa mga menor de edad.
Ayon kay Santos, gumagamit umano ang mga sindikato ng pekeng pangalan, dummy accounts at coded messages para maitago ang kanilang operasyon at makahanap ng mga posibleng recruit.
“Hindi natin maaaring hayaang gawing hunting ground ng drug syndicates ang social media para i-recruit at manipulahin ang ating mga kabataan,” ani Santos, na kamakailan ay itinalagang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
Sa budget hearing ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sinuportahan ni Secretary Jonvic Remulla ang mga panukalang batas na naglalayong tuluyang ipagbawal ang social media at online gaming sa mga batang 13-anyos pababa at higpitan ang paggamit nito ng mga edad 14 hanggang 17.
Ayon kay Santos, hindi na lamang sa lansangan isinasagawa ang bentahan at recruitment ng ilegal na droga dahil ginagamit na rin umano ang cyberspace.
Bagama’t ipinagbabawal ng mga social media platform ang bentahan ng ilegal na droga, maaari pa ring makalapit ang mga drug dealer sa mga kabataan sa pamamagitan ng private messages, pekeng accounts at iba pang hindi gaanong nakikitang online channels.
Binalaan ni Santos ang mga magulang at awtoridad na maaaring ma-target, manipulahin at unti-unting mahikayat sa ilegal na droga ang isang bata nang hindi nito namamalayan na nalalapit na siya sa isang criminal network.
Giit niya, kailangan ng mas mahigpit na proteksyon laban sa online grooming, drug-related content, exploitation, cyberbullying at iba pang panganib sa internet.
“Ang laban kontra droga ay hindi dapat hanggang lansangan lamang. Kailangan din nating harapin ang mga bagong paraan na ginagamit ng drug syndicates sa cyberspace,” ani Santos.
