
MAY karagdagang P1,000 election honoraria ang matatanggap ng mga guro at poll workers, bukod pa sa naunang inaprubahang P2,000 across-the-board increase para sa kanilang serbisyo sa May 2025 national at local elections.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang dagdag-ayuda ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak ang fair compensation para sa mga frontliner ng halalan.
Nagpahayag ng pasasalamat si Education Secretary Sonny Angara sa karagdagang honoraria, na aniya’y malaking bagay para sa libu-libong public school teachers at personnel na nagsilbing bantay ng boto at nagtrabaho nang lampas oras para tiyaking maayos ang halalan.
“Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Marcos at kay DBM Secretary Pangandaman sa mabilis na aksyon para kilalanin ang dedikasyon ng ating mga guro. Marami sa kanila ang nagbantay hanggang dis-oras ng gabi — patunay ito ng tunay na serbisyo publiko,” ani Secretary Angara.
“Simbolo ng honorariang ito ang respeto ng bayan sa ating mga guro bilang tagapangalaga ng demokrasya,” dagdag pa niya.
Inaprubahan ng DBM ang pagpapalabas ng P758.459 milyon para sa karagdagang P1,000 honoraria. Ito ay hiwalay pa sa P2,000 increase na nakapaloob sa 2025 General Appropriations Act.
Batay sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), tinatayang nasa 758,549 ang kabuuang bilang ng poll workers ngayong eleksyon — karamihan dito ay mga public school teachers. Ayon sa COMELEC, matatanggap ng mga poll workers ang buong election compensation, kasama ang mga nadagdag, sa loob ng sampung araw matapos ang halalan.
Binigyang-diin din ni Secretary Angara ang mahalagang papel ng mga guro at DepEd personnel sa naging matagumpay na halalan.
“Sa voter turnout na umabot sa 81.65 percent — ang pinakamataas sa kasaysayan ng COMELEC — kitang-kita ang naging ambag ng ating mga guro sa pagkakaroon ng maayos, mapayapa, at kapanipaniwalang halalan,” ani Angara.