May 22, 2024

The Insider News

Direct from the source

Mga magbababoy ng Bulakan binigyan ng pangkabuhayan

By Glen S. Ramos

Malolos, Bulakan –  Nasa  1,035 residente mula sa 18 bayan at syudad sa lalawigan ng Bulacan ang binigyan ng benepisyo na tatlong  biik at siyam na sako na tig-50 kilo ng feeds mula sa pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Bulacan Provincial Veterinary Voltaire Basinang, ang mga benepisyaryo ay dumaan sa bio security seminar na inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan. 

Dagdag ni Basinang, ang layon ng seminar ay bigyan ng karunungan ang mga magbababoy na maging handa  at malabanan ang mga virus o sakit na tumatama sa mga alagain na baboy tulad ng ASF, dahil hanggang sa kasalukuyang wala pang gamot o bakuna na panlaban dito.

Ang mga benepisyaryo ng ahensya ay dati nang naging  biktima ng African Swine Fever(ASF).

Sa ilalim ng Swine Sentinel Program, muling susubukan ng dating mga backyard Owner ng baboy na mag alaga ng baboy.

Nakiusap naman si Bulacan Governor Daniel Fernando na huwag agad lechonin ang mga alagang baboy sa halalip ay palakihin ito sa loob ng 40 araw, bago ibenta o kaya naman ay gawing  inahin para sa hanap-buhay.

Umabot sa  3,105 baboy  at 9,315 na sako ng feeds ang ipinamahagi sa mga magbababoy sa probinsya na galing sa Department of Agriculture.