
LIMPAK-LIMPAK na salapi ang kinita ng mga sangkot sa gumawa ng bumagsak na Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela noong Pebrero 27.
Ito ang naging reaksyon ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo sa isang panayam sa radyo kung may nakikita siyang korapsyon sa nangyari sa tulay na bumagsak .
Aniya, “natapalan siguro ng contractor ng salapi ang mata ng mga inspectors at supervisors ng DPWH sa lugar na yun kaya lumusot sa government standards ang depektibong tulay.”
Ayon kay Cong. Tulfo, “bakit ka gagawa ng tulay sa probinsya na para sa light vehicles lang? It does not make sense!”.
“Kung mali naman ang design, bakit nakalusot sa mga engineers ng DPWH (Department of Public Works and Highways)?” tanong ng mambabatas.
“Ikulong ang mga may pananagutan sa pagkasira ng nasabing tulay para magtanda at hindi na pamarisan,” dagdag pa ni Tulfo.
Aniya, “mantakin mo, higit P1 bilyon na pera ng bayan ang nasayang lang…tinipid ang pagkagawa niyan para malaki ang kickback ng mga korap at kawatan.”
“Ang nakakainis pa rito, mali na pala ang disenyo e, bakit hindi ipinahinto ng DPWH sa kontraktor ang paggawa ng tulay?” tanong ng mambabatas.