NAGLABAS ng anunsiyo ngayong araw ang New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang nakaplanong water service interruption ng Maynilad Water Services, Inc. na siyang makakaapekto sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang pagkaantala ay naka-iskedyul ng 16 na oras mula 2:00 p.m. sa Nobyembre 1 hanggang 6:00 ng umaga ng Nobyembre 2, dahil sa gagawing maintenance at repair activities sa Putatan Treatment Plant ng Maynilad.
Tinitiyak ng NNIC sa mga pasahero at stakeholder na nakahanda na ang mga contingency measures upang tiyaking tuluy-tuloy ang supply ng tubig habang nagsasaayos ang Maynilad.
Gagamitin naman ng kumpanya ang mga reserbang tubig mula sa mga tangke ng T3 na may kapasidad na 3.2 milyong litro.
Nakaantabay naman ang mga trak ng tubig ng Maynilad upang mapunan ang mga tangke kung kinakailangan.
Maglalagay rin naman ng tubig sa mga banyo ng buong terminal.
Pinapaalalahanan ng NNIC ang lahat ng pasahero at stakeholder na magtipid ng tubig sa panahong ito.
Ang mga simpleng pagtitipid ng tubig at pag-uulat ng mga tagas sa mga banyo ay isang paraan na makakatulong upang magkasya ang tubig para sa lahat.