NASAWI ang isang 51-taong gulang na nars sa Bohol Doctors Hospital habang isang utility worker naman ang nasugatan matapos silang atakihin gamit ang gunting ng lalaking pasyente nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Marie, residente ng Bgy. Dao, Tagbilaran City, Bohol.
Si Marie ay binawian ng buhay dahil sa mga tama ng saksak sa leeg at dibdib.
Nasugatan naman ang utility worker na si Francis Justiniare, 21, mula sa Purok 4, Bgy. Cainsican, Inabanga.
Sinubukan ni Francis na pigilan ang suspek sa pag-atake sa nars kaya maging siya rin ay pinagsasaksak.
Naganap ang insidente ng pananaksak bandang 9:45 a.m. noong Huwebes, Oktubre 17, 2024, sa loob ng medical ward ng Bohol Doctors Hospital sa Bgy. Bool, Tagbilaran City.
Ang suspek ay kinilalang si Marlito Linguis, 31, residente ng Purok 4, Bgy. Magsaysay, bayan ng Sevilla, na sumuko sa mga pulis matapos ang insidente.
Bago ang insidente, ang suspek kasama ang ilan pang tao ay na-admit sa ospital noong Martes dahil sa food poisoning matapos kumain ng “dinuguan” sa isang pagtitipon sa Bgy. Magsaysay, Sevilla.
Iniulat na noong gabi ng Miyerkules ay may nasabing salita umano ang biktima na ikinagalit ng suspek.
Kinabukasan, habang naghahanda nang makalabas ng ospital ang suspek, bigla nitong kinuha ang gunting mula sa nurse station at walang habas na inundayan ng saksak ang biktima.
Sinubukan pang tumulong ni Francis pero siya’y sinaksak din sa tiyan ng suspek.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay isang drug surrenderer.