NAGHAIN sa Batasang Pambansa si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag laban kay Cavite 4th District Representative Francisco “Meow” Barzaga ng ethics complaint.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y mga walang basehang pahayag at social media posts ng mambabatas laban sa kanya sa kasagsagan ng tensyon at kontrobersiya sa Senado.
Ayon kay Matibag, ang mga alegasyon na inilabas ng kongresista ay walang sapat na ebidensya at nagdulot ng kalituhan sa publiko habang umiinit ang mga usaping pampulitika sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal na mahalagang mapanagot si Barzaga at iba pang katulad nyang public official sa kanilang mga pahayag, lalo na kung ang mga ito ay maaaring makasira sa reputasyon ng mga indibidwal o institusyon.
Iginiit pa ni Matibag na ang paggamit ng social media at iba pang plataporma ay may kaakibat na responsibilidad,
Sa inihain niyang reklamo, hiniling ni Matibag sa House Committee on Ethics and Privileges na imbestigahan ang naging asal at mga aksyon ni Barzaga upang matukoy kung may nalabag itong mga tuntunin at pamantayang etikal na inaasahan sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Si Matibag ay asawa ni Laguna 1st District Representative Ma. Rene Ann Lourdes Matibag na kasalukuyang chairwoman ng House Committee on Women and Gender Equality.
