HINATULAN ng Office of the Ombudsman na tanggalin sa serbisyo si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa matinding misconduct. Sa kautusang may petsang Agosto 12, iniutos din ng Ombudsman ang pagkakansela ng mga benepisyo sa pagreretiro ni Guo. Pinagbabawalan na rin ang alkalde ng Bamban na makapanungkulan sa pampublikong posisyon nang walang hanggan.
Sinabi ng Anti-Graft Office na ang pagkakasangkot ni Guo sa mga operasyon ng mga raided na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang lugar ay nagpapakita “willful intent on her part to violate the law or disregard established rules,”.
Ayon pa sa ahensya, “The series of acts are interconnected, leaving no other conclusion than that they were committed by Guo with ulterior motive or self-interest,” .
Ayon pa sa Ombudsman ang 12 iba pang opisyal ng Bamban ay hinatulan rin guilty at ipinag-utos na suspindihin ng tatlong buwan.
Ang mga suspindido ay sina Vice Mayor Leonardo Anunciacion, business permit at licensing officer Edwin Ocampo, Adenn Sigua, Johny Sales, Jayson Galang, Nikko Ballio, Ernesto Salting, Jose Salting Jr., Robin Mangiliman, Jose Aguilar, Mary Lacsamana, at Rainier Rivera.
Matatandaan nitong Miyerkules, itinalaga ni Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr. ang no. 1 councilor ng Bamban, Tarlac bilang bagong acting mayor kasunod ng desisyon ng Ombudsman na tanggalin si Guo dahil sa kanyang pagkakasangkot sa ilegal na POGO firm na naging “scam farm” sa munisipyo. Si Erano Timbang ay nanumpa ng kanyang tungkulin sa harap ni Abalos sa simpleng seremonya na ginanap sa Executive Lounge ng Philippine National Police Multi-Purpose Center sa Camp Crame.