Sinuspinde ng Office of the Ombudsman nitong Miyerkules ang walong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng reklamo na umano’y binayaran nang buo ang mga hindi pa kumpletong flood control projects sa Surigao del Norte.
Sa anim na pahinang kautusan, ipinataw ng anti-graft body ang preventive suspension sa pitong engineers at isang accountant ng DPWH matapos magsampa ng reklamo ang Field Investigation Office II ng Ombudsman.
Ayon sa Ombudsman, nakasaad sa reklamo na binayaran nang buo ng DPWH ang mga proyektong malaki pa ang kakulangan sa pagkakumpleto, na nagdulot umano ng pinsala sa National government.
Kabilang sa mga sinuspinde nang anim na buwan nang walang sahod sina DPWH Regional Office XI District Engineer Annie Dela Vega; DPWH Surigao del Norte 1st District Engineering Office Engineer IIIs Federico Gotico III, Demilyn Castrence, Quintinano Armendariz Jr. at Edward Tinio; Engineer IIs Florencio Sulana at Ricky Arciga; at accountant Jerome Sulapas.
Ipinataw ang preventive suspension habang hinihintay ang resolusyon ng mga kasong conduct prejudicial to the best interest of the service, grave misconduct at serious dishonesty.
“May sapat na batayan upang ipataw ang preventive suspension sa mga respondent,” ayon sa kautusan ng Ombudsman.
Dagdag pa ng anti-graft body, hindi pa man tinatalakay ang merito ng kaso, batay sa mga ebidensiyang isinumite ng complainant, lumilitaw na may matibay na suporta ang mga alegasyon laban sa mga respondent sa kasalukuyang yugto ng imbestigasyon.
