MAGBUBUKAS ng ilang mga tanggapan ng Land Transportstion Office (LTO) tuwing araw ng Sabado para sa pagpaparehistro ng sasakyan at pag-renew ng lisensya, ayon kay Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II .
Sa inilabas na isang memorandum , ipinag-utos ni Mendoza sa mga Regional Director ng LTO, na kinakailangan na magbukas ang mga District Office, Extension Office at Driver’s License Renewal Offices (DLROs) para ma-accommodate ang maraming kliyenteng naapektuhan ng tropical storm “Kristine” at bagyong “Leon”.
“Dahil sa epekto ng dalawang (2) bagyong tumama sa bansa at ilang mga suspensiyon sa trabaho na nakaapekto sa karamihan ng ating mga nakipagtransaksyon sa publiko, lahat ng Regional Directors/Assistant Regional Director ay inaatasan na tasahin ang pangangailangan ng pagbibigay ng mga serbisyo at pagbubukas ng mga opisina tuwing Sabado, ” ani ni Mendoza.
Bahagi ng utos ang makapagbigay ng serbisyo sa Sabado sa mga kliyente lalo na sa mga lugar na apektado ng malawakang pagbaha noong nakaraang buwan.
Sumasang-ayon naman ang ilang Regional Directors sa intensyon na buksan ang ilan sa kanilang mga opisina sa Sabado.
Tulad nito ang Calabarzon kung saan ay hindi bababa sa 14 na Tanggapan ng Distrito ang naghahanda ngayon para sa operasyon sa Sabado—karamihan sa mga ito ay mga lugar na apektado ng pagbaha na dala ni “Kristine”.
Kabilang sa mga ito ang limang district offices sa Cavite, apat na District Offices sa Rizal, tatlong district offices sa Laguna, Batangas City at Lipa City District Offices sa Batangas. Lahat ng DLRO sa Calabarzon ay naghahanda na rin para sa Sabado .
Samantala , ang LTO Regional Office Cagayan ay nagtakda na ng operasyon sa Sabado para sa lahat ng kanilang district office, satellite office at DLROS mula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 21 para ma-accommodate ang mas maraming kliyenteng apektado ng masamang panahon.
Ang Rehiyon ng Cagayan Valley ay parehong apektado nina ‘Kristine” at “Leon”.
“Ito rin ang tugon ng inyong LTO sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbng’ Marcos, Jr. na gawin ang lahat ng paraan upang makatulong sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Mendoza.
Sinabi ni Assec Mendoza na inatasan na niya ang IT team ng LTO na tiyaking gumagana ang lahat ng online system sa mga operasyon ng Sabado.