NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark sa Pampanga ang 914 gramo ng marijuana na tinatayang halaga na P1,371,000.00 na idineklara bilang “Food Spices, Condiments, at Groceries” mula sa Bangkok, Thailand.
Natuklasan ang mga kargamento matapos ang isang impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na agad sinuri ng nakatalagang examiner at nagsagawa ng full physical examination pagdating sa airport .
Tumambad ang 914 gramo ng marijuana na nakatago sa sari-saring pakete. Ang kargamento ay naglalaman ng 26 na pakete na may pulbos na sangkap at apat (4) na pakete na may mga tuyong dahon at fruiting tops.
Nakumpirma sa mga kinuhang samples ang mga substance bilang tetrahydrocannabinol o marijuana, na kabilang sa ipinagbabawal sa R.A. Blg. 9165.
Ang matagumpay na operasyong ay dahil sa pagsisikap ng Port of Clark – Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Philippine National Police – Aviation Security Group, National Bureau of Investigation-Pampanga District Office, Department of Justice, at mga lokal na opisyal ng Brgy. Dau, Lungsod ng Mabalacat.
Inilabas ang Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
