PLANONG itaas sa P120,000 mula sa kasalukuyang P90,000 ang tax-free ceiling ng 13th month pay at iba pang bonus sa ilalim ng panukalang P350,000 personal income tax relief package.
Sinabi ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, chairman ng House Committee on Ways and Means, na layunin ng panukala na mabawasan ang buwis ng mga manggagawa at mapalaki ang kanilang maiuuwing kita. Aniya, bukod sa pagtataas ng income tax exemption threshold, kasama rin sa panukala ang dagdag na tax exemption sa 13th month pay at iba pang bonus.
Dahil dito, higit sa P350,000 ang kabuuang benepisyong matatanggap ng mga empleyado kapag naaprubahan ang panukala.
Sisimulan ng komite sa susunod na linggo ang tatlong public hearing upang talakayin ang panukala.
Uunahin ang Department of Finance upang alamin ang epekto nito sa kita ng gobyerno, kasunod ang konsultasyon sa mga manggagawa, employer, accountant, iba pang sektor, at mga eksperto mula sa akademya.
Pangunahing layunin ng panukala na mabigyan ng mas malaking tax relief ang middle class, na aniya’y madalas na hindi nabibigyan ng sapat na suporta.
