
NATIMBOG ang pitong (7) indibidwal habang nasamsam naman ang tinatayang 12,500.8 kilo ng hinihinalang “hot meat” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 2.3 milyon sa isinagawang operasyon sa Marilao, Bulacan noong Agosto 20, 2025.
Base sa ulat ng Marilao MPS,nagsasagawa ng patrolya bandang alas-10:30 ng gabi, ang miyembro ng Brgy. Sta. Rosa 1, Marilao kung saan namataan ang pitong katao na naglilipat sa isang wing van truck (plaka NHE4570) ng hinihinalang double-dead meat sa isang refrigerated van (plaka CBP1065).
Agad na ipinaalam ang insidente sa National Meat Inspection Service (NMIS) upang beripikahin ang nasabing insidente .Agad rin namang
Ipinagbigay alam sa Marilao Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek .
Nasamsam sa operasyon ang 435 kahon ng hot meat na tumitimbang ng humigit-kumulang 12,500.8 kilo at may tinatayang halagang Php 2.3 milyon.
Ang mga nakumpiskang karne ay pansamantalang itinurn-over sa Marilao Police Station at kalaunan ay ibinigay sa NMIS para sa tamang disposisyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at inihahanda na ang kasong kriminal para sa paglabag sa R.A. No. 9296 (Meat Inspection Code of the Philippines) na isasampa sa Tanggapan ng Panlalawigang Piskal sa Malolos, Bulacan.