IMINUNGKAHI sa senado na amyendahan ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 at ipasa ang panukalang batas na magbibigay sa lahat ng senior citizen ng P1,500 monthly social pension .
Ito ang isinusulong ni Senador Risa Hontiveros na isa sa kanyang priority bill para madagdagan ang pang-araw-araw na gastusin sa pamumuhay ng mga senior citizens.
Nang isagawa ng Senate Committee on Social Justice and Rural Development ang unang pagdinig sa Senate Bill No. 215 o ang Lingap Para Kay Lolo at Lola Act na inakda ni Hontiveros.
Aniya, “Dumarami ang mga pangangailangan ng mga lolo’t lola habang sila ay tumatanda, lalo na pagdating sa kanilang kalusugan. Pero marami sa kanila, hindi na kayang bumili ng kanilang gamot. Kaya nga minsan, mas pinipili nilang gumastos para sa pagkain, tubig, o kuryente kaysa sa gamot,”
Ibinunyag ng Department of Social Welfare and Development sa pagdinig ng Senado na sa ilalim ng kasalukuyang mga batas, ang social pension para sa mga senior citizen ay P1,000 lamang kada buwan at limitado sa mga indigents.
“Matagal nang nakapako sa P1,000 ang social pension para sa mga seniors at hindi pa lahat sa kanila nakakakuha nito. Pero lahat ng lolo’t lola natin kailangang tulungan sa gastusin, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga gamot at bilihin,” sambit pa ni Hontiveros .
