NAGLAAN ang pamahalaan ng P4 bilyong sa 2026 national budget para sa pagpapatayo at pagpapahusay ng mga pasilidad ng 114 State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.
Mas maraming silid-aralan, mas maraming pasilidad, mas maraming oportunidad para sa mga kwalipikadong mag-aaral. Ayon kay Senador Win Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, makatutulong ang nasabing pondo upang mapalawak ng mga SUC ang kanilang kapasidad sa pagtanggap ng mas maraming mga estudyante. Aniya, dahil sa limitadong kapasidad, napipilitan ang mga SUC na tanggihan ang mga kwalipikadong aplikante kahit na natutugunan nila ang mga requirement sa pagpasok.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, dahil sa kakulangan sa kapasidad, 168,493 estudyante ang hindi natanggap kahit kwalipikado para makapag-enrol. Ipinakita rin ng datos na isinumite ng 62 SUC na 32 sa mga ito ang lumampas na sa kanilang kapasidad, at labing-isa sa mga SUC na ito ang umabot na sa 100% occupancy.
“Bagama’t may libreng kolehiyo na tayo, napakarami pa ring kabataan ang hindi nakakapasok dahil kapos ang pasilidad at kapasidad ng ating mga SUC. Tiyakin nating lahat ng mga mag-aaral ay mabibigyan ng pagkakataong makapagpatuloy ng kanilang edukasyon,” ani Gatchalian.
“Kaya naman, sa ilalim ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon, tiniyak nating bawat SUC ay may pondo para palawakin ang kanilang kakayahang tumanggap ng mas marami pang mga mag-aaral,” dagdag niya.
