
AABOT sa singkwenta pesos o katumbas ng 2 cubic meter ang diskwento o “rebate” ang matatanggap ng 35,000 na kustomer ng Maynilad na lubhang naapektuhan ng bagyong Paeng.
Sa kabuuan ay aabot sa halagang 1.7 milyong piso ang magiging halaga na guguling ayuda ng Maynilad sa kanilang mga kustomer sa Muntinlupa, Pasay dito sa kalakhang Maynila, Bacoor, Imus, Kawit at Noveleta sa Cavite.
Ayon sa Maynilad, makatutulong ang adjustment upang macover ang nakunsumo ng mga kustomer sa paglilinis ng kanilang mga kabahayan na naperwisyo ng pagbaha.
Ayon pa kay Maynilad President at CEO Ramoncito Fernandez, umaasa silang ang hakbanging ito ay makatutulong sa kanilang kliyente habang patuloy na bumabangon mula sa pinsalang dala ng bagyang Paeng.
Pinuri naman ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office Chief Regulator Atty, Patrick Lester Ty ang desisyon ng Maynilad na magbigay ng rebate.
Dagdag pa niya, ikinagagalak nila ang inisyatibo ng Maynilad na malaking tulong sa mga biktima ng bagyo at baha.