ISINULONG ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang panukalang batas na amyendahan ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) ng mga empleyado ng gobyerno at itaas ito sa ₱9,000 kada buwan mula sa kasalukuyang ₱2,000.
Sa ilalim ng House Bill No. 9331, layunin ng panukala na mabigyan ng dagdag na suporta ang mga kawani ng gobyerno sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, gasolina, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.
“Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, nananatiling ₱2,000 ang PERA ng mga kawani ng gobyerno sa loob ng maraming taon. Panahon na para itaas ito upang makatulong sa araw-araw nilang pangangailangan,” ayon sa panukala ni Cayton.
Sakop sa bill na ito ang mga regular, casual, contractual, appointive, at elective government employees na nasa ilalim ng Compensation and Position Classification Act.
Binigyang-diin ni Cayton na nararapat lamang na mapalakas ang suporta para sa mga guro, nurse, pulis, sundalo, kawani ng LGU, at iba pang public servants na patuloy na nagsisilbi sa bayan sa kabila ng tumitinding gastusin sa araw-araw.
