HINIHILING ni Sen. Raffy Tulfo na ipagbawal ang online na pagsusugal para sa lotto games at instant paper games kabilang ang digit games, Small Town Lottery (STL), at iba pang instant paper games ayon sa itinakdang mga patakaran at regulasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2022.
Sa naganap na pagdinig ng Ways and Means Subcommittee nitong Huwebes, Enero 18, 2024, sinabi ni Tulfo na isinampa niya ang Senate Bill No. 2374 upang sagutin ang isyu na itinataas ng iba’t ibang stakeholders laban sa bagong patakaran ng PCSO.
“In its effort to address the issues raised by PCSO’s stakeholders, this committee continuously endeavored to invite PCSO to shed light in all the controversies arising out of its move to transition to “E-Lotto”. Our call fell on deaf ears, PCSO sent all kinds of excuses purposely to avoid and prevent this committee from performing its constitutionally mandated task. This has to end right here and right now,” sabi ni Tulfo.
Ayon pa sa senador na ang inihain na panukalang batas ay layunin na pangalagaan ang kapakanan ng publiko, protektahan ang mga vulnerable na indibidwal, at hikayatin ang responsable na praktika ng pagsusugal, na magbibigay ng mas ligtas at maayos na reguladong tanawin sa pagsusugal sa bansa.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Huwebes na in-edit nito ang viral na larawan ng isang nanalo sa Lotto 6/42 na umangkin ng higit sa P43 milyon upang mapanatili ang kanyang pagkakakilanlan.
Sinabi ni PCSO General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles na ang larawan ay totoo noong naganap ang pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means matapos siyang tanungin ni Senador Raffy Tulfo.
“Kailangan po nating protektahan ang pagkakakilanlan ng nanalo. May nagreklamo sa amin isang beses. Tinakpan namin ang mukha. Ngunit ang damit ay nakilala pa rin. Kaya nagreklamo siya, sana ay huwag na lang daw ipakita ‘yung damit. ‘Yan ang dahilan niya,” dagdag pa ni Robles.
