NAGTUNGO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa United Arab Emirates nitong Lunes para sa isang working visit para sa dalawang mahahalagang kasunduan na magpapatibay sa ugnayang pang-ekonomiya at depensa ng Pilipinas at UAE.
Dadalo rin pangulo sa Abu Dhabi Sustainability Week (ADSW) kasama ang iba pang global leaders na nagsusulong ng inisyatiba para sa pandaigdigang sustainability kasabay ang working visit sa imbitasyon ng Pangulo ng UAE, His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan.
Seselyuhan ng Pilipinas at UAE ang dalawang mahahalagang kasunduan- ang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) at ang Memorandum of Understanding (MOU) on Defense Cooperation.
“Ang paglagda sa dalawang kasunduang ito ay patunay ng malalim na ugnayan ng dalawang bansa, at higit sa lahat, ng mga Pilipino at Emiratis.”
Ang Philippines-UAE CEPA ay ang kauna-unahang free trade agreement (FTA) ng Pilipinas sa isang bansa sa Gitnang Silangan, at inaasahang magpapalawak ng market access ng Pilipinas sa Gitnang Silangan, partikular sa Gulf Region.
Ang MOU on Defense Cooperation ay magsisilbing matibay na plataporma para sa pakikipagtulungan sa UAE sa larangan ng advanced defense technologies, ayon sa Pangulo.
Binanggit ng Pangulo na ang UAE ay tahanan ng humigit-kumulang 900,000 Pilipino, katumbas ng populasyon ng isang mid-sized na lalawigan sa Pilipinas, kaya sa anumang kasunduang kapwa kapaki-pakinabang ay hindi lamang pakikinabangan ng mga Pilipino sa bansa, kundi pati na rin ang mga Pilipino sa UAE.
Dadalo si Pangulong Marcos sa Abu Dhabi Sustainability Week (ADSW), kung saan kasama niya ang iba pang mga pinuno ng estado at pamahalaan sa pagtalakay at pagsulong ng pandaigdigang sustainability.
“Sisikapin ng forum na makahanap ng mga solusyon sa mga hamon ng kasalukuyan at hinaharap, na nangangailangan ng pagkakaisa ng mga bansa” dagdag pa ni Marcos.
Makikilahok sa mga talakayan si Marcos upang makahanap ng sagot sa mga komplikado at magkakaugnay na isyu sa enerhiya, tubig, pananalapi, pagkain at kapaligiran at inaasahan ng Pangulo na makakakuha ang bansa ng mahahalagang pananaw mula sa iba pang world leaders.
“Sa pagsisimula ng bagong taon, higit pang isusulong ng Pilipinas ang layunin nitong makipagtulungan sa mga bagong partners na kaayon ng ating pananaw para sa isang sustainable na mundo, at magsisikap na lalo pang pagyamanin ang ating ugnayan sa iba pang mahahalagang katuwang.”
“I am confident that upon my return, I will bring good news on the new heights
of our friendship and collaboration with the UAE, as well as on the shared vision and strategy with our global partners on sustainability, for the benefit of the Filipino people,” sabi pa ng Pangulo.
