PASADO na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtatakda ng termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) sa loob ng apat na taon.
Sa plenary session, 22 senador ang bumoto pabor sa Senate Bill 2816 o isang Act Setting the Term of Office of Barangay Officials and Members of the Sangguniang Kabataan, na walang abstention at zero negative votes.
“With the longer fixed term, the barangay officials and members of the SK will deepen their understanding of both national and local issues, as well as implement their own medium and long term initiative at the barangay level,” paliwanag ni Sen. Imee R. Marcos. sa kanyang sponsorship speech.
Sa ilalim ng panukalang batas, “ang termino ng panunungkulan ng lahat ng halal na opisyal ng barangay at miyembro ng SK ay apat na taon. Walang halal na opisyal ng barangay ang dapat maglingkod nang higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon.
Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa anumang haba ng panahon ay hindi dapat ituring na isang pagkaantala sa pagpapatuloy ng serbisyo para sa buong termino kung saan ang halal na opisyal ay inihalal.”
Nakasaad din sa panukalang batas na “ang susunod na regular na barangay at SK elections ay gaganapin sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at bawat apat na taon pagkatapos nito.
Ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng SK na inihalal kasunod ng bisa ng Batas na ito ay magsisimula sa unang araw ng Nobyembre pagkatapos ng kanilang halalan.”
Kapag naipasa na sa batas, lahat ng nanunungkulan na opisyal ng barangay at miyembro ng SK ay mananatili sa puwesto maliban kung mas maagang maalis o masuspinde para sa dahilan hanggang sa mahalal at maging kwalipikado ang mga kahalili sa kanila.
Ang mga kasalukuyang elective na opisyal ng barangay na naglilingkod sa kanilang ikatlong sunod na termino sa parehong posisyon ay hindi magiging karapat-dapat na tumakbo para sa parehong posisyon sa Oktubre 2027 Barangay at SK elections.
