TARGET ng Kamara na maipasa ngayong Agosto ang tax relief package ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang maipatupad ito simula Enero 1, 2027.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairperson at Marikina City Rep. Miro Quimbo, layunin nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na maaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala, kasama ang mga kaukulang revenue measures upang mapunan ang mawawalang kita ng gobyerno.
inabi rin ni Quimbo na target ng Kamara na maipasa bago ang break sa Oktubre ang panukalang tax amnesty para sa mga hindi nabayarang income tax, estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT), at iba pang obligasyon sa buwis upang mabigyan ng “clean slate” ang mga nagbabayad ng buwis at makabalik sila sa normal na pagnenegosyo at paglahok sa ekonomiya.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), hiniling ni Pangulong Marcos na itaas sa P350,000 kada taon ang income tax exemption, bawasan ang income tax ng iba pang manggagawa, alisin ang minimum corporate income tax ng maliliit na negosyo, at magpatupad ng tax amnesty.
Ipinaliwanag ni Quimbo na Enero 1, 2027 pa maaaring ipatupad ang bagong tax relief dahil nakabatay na sa umiiral na sistema ng pagbubuwis ang tax collection ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang pambansang badyet para sa 2026.
“Ang tantiya namin, base sa informal discussions with Speaker Bojie at Majority Leader Sandro, ay ngayong Agosto matatapos namin ang compensation package at ang corresponding compensating taxes para mabawi ang mawawalang kita ng gobyerno,” ani Quimbo.
