
TINUTUTUKAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong proseso ng national budget para sa 2026, mula simula hanggang sa matapos upang matiyak na ito ay naaayon sa mga prayoridad ng gobyerno at tanging mga shovel-ready na proyekto lamang ang maisasama sa mapopondohan.
Ayon kay Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman , “As early as January po nung matapos po ang budget ng 2025, may mga bilin na po ang ating Presidente sa ating [2026] budget. Every once in a while po, in fact, bago mag-eleksyon may mga bilin po siya. Uupuan po namin lagi ‘yan [budget process] hanggang sa dulo po. Kung kinakailangan na umupo siya sa Bicam, uupo ang ating Pangulo sa Bicam,”base sa isang panayam.
Ang target na spending level para sa Fiscal Year (FY) 2026 ay nakabase sa Medium-Term Fiscal Framework ng gobyerno, na tinatant ang budget na halos P7 trilyon.. Nakatakdang magpulong ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Lunes, ika-26 Mayo, upang tapusin at i-anunsyo ang opisyal na budget ceiling. Ito ay ibabatay sa revenue projections mula sa Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue, at Bureau of Customs.
Kapag naisapinal na ang budget ceiling at mga panukalang programa, makikipagpulong ang DBM, kasama ang DBCC, DOF, at ang Department of Economy, Planning, and Development, sa Pangulo upang suriin ang mga pangunahing proyekto, lalo na ang mga nasa ilalim ng priority agenda ng administrasyon.
Ipinaliwanag rin ni Sec. Mina Pangandaman kung paano gumagana ang proseso ng budget gamit ang Two-Tier Budgeting Approach (2TBA) ng DBM. Saklaw ng Tier 1 ang regular expenses, tulad ng salaries (Personnel Services), operating costs (MOOE), at ang mga kasalukuyang capital projects. Kabilang naman sa Tier 2 ang mga malalaki o bagong proyekto na hinihingan ng karagdagang pondo ng mga ahensya.
“Ito po ‘yung talagang tinitignan natin. Kasi po ‘yung iba po sa mga [projects] hindi pa ready. Mahirap naman po pondohan kung hindi shovel- ready. Sayang naman po. Titignan po natin ‘yung mga utilization rate,” ayon sa Budget Secretary.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng pambansang budyet sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.
“This year po, ‘yung paglago ng ating ekonomiya, masaya po tayo d’yan dahil alam natin na nakatulong po ‘yung budget natin. For the first time po ‘yung contribution ng budget, double digit po ‘yan—almost 18 percent. Napaka-taas din po nung increase nung ating GDP growth. Otherwise po, kung wala tayong budget baka 3 percent lang po ang nilago ng ating ekonomiya,” pagtatapos ni Sec Mina.