PINATUTUGUNAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensya ang mga isyu sa supply ng tubig at sanitasyon sa mga pampublikong paaralan para sa pagkakaroon ng malinis na palikuran at tubig para sa kalusugan ng mga mag-aaral.
Nadismaya ang Pangulo sa hindi magandang kondisyon ng mga palikuran ng paaralan at kawalan ng access sa malinis na tubig ng kanyang bisitahin ang dalawang paaralan sa Bulacan para ilunsad ang Brigada Eskwela 2025.
“For me, basic ‘yan eh. Kasi pati ‘yung health nung bata natatamaan. Magkakasakit ‘yan kung hindi malinis ang mga pinupuntahan nilang banyo,” ayon kay Pangulong Marcos sa mga reporter.
“Kaya kawawa naman,” .
Unang binista ng Pangulo ay ang Barihan Elementary School sa Malolos City, kung saan nadatnan din niya ang isa sa mga maruming palikuran habang iniinspeksyon ang school grounds at classrooms.
Ilang oras na nakatayo sa labas ng palikuran ang Pangulo habang tinatalakay ang usapin kasama sina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, DepEd Malolos schools division superintendent Leilani Cunanan, at school principal Rosa Ellen Ramos.
“One of the things that I noticed is the bathrooms. Kailangan na natin linisin at pagandahin ang mga bathrooms,” ayon pa sa President matapos niyang bisitahin ang Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan.
“Hindi naman mahirap gawin ‘yun except ang problema sa mga pinuntahan naming eskwela, walang tubig,” dagdag pa ng Pangulo.
Inutusan ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensya na imbestigahan ang dahilan ng hindi sapat na suplay ng tubig, sa kabila ng regular na pag-aayos ng mga singil sa tubig ng mga paaralan.
Ang inisyatiba ng Brigada Eskwela ay nagpapakilos sa komunidad upang ihanda ang mga pampublikong paaralan para sa darating na akademikong taon.
