Photo Courtesy: Office of the House Speaker
TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na mas mapapalakas ang sektor ng agrikultura at mas mapapabuti ang mga batas sa pamamagitan ng LegisHear, isang programang direktang nakikinig sa hinaing at mungkahi ng mga mamamayan.
Sa unang LegisHear consultation na ginanap sa Isabela State University–Echague, sinabi ni Dy na layunin ng programa na mailapit ang Kongreso sa taumbayan upang matiyak na ang mga panukalang batas ay tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ng Speaker na mahalaga ang konsultasyon sa Isabela dahil isa ito sa pangunahing lalawigan sa agrikultura. Aniya, prayoridad ng Kamara na mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mas magandang presyo ng ani, mas mataas na kita, at mas malaking suporta mula sa pamahalaan.
Ayon kay Dy, ang mga suhestiyon at hinaing na makakalap sa LegisHear ay magsisilbing gabay sa pagbuo at pagpapahusay ng mga batas para sa kapakinabangan ng mga komunidad sa buong bansa.
Dinaluhan ang unang konsultasyon ng mga magsasaka, mangingisda, guro, estudyante, lokal na opisyal, civil society groups, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na naghatid din ng kanilang mga serbisyo sa mga residente.
Naniniwala si Dy na makatutulong ang programa sa pagbuo ng mas epektibong mga batas at mas maayos na serbisyong pampubliko para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
