PINABULAANAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga tsismis o “fake news” na kumakalat sa online na siya raw ay na-stroke at na-ospital umano.
Tiniyak ni Romualdez sa publiko na siya ay nananatiling nasa maayos na kalusugan at ganap na nakikibahagi sa kanyang mga responsibilidad bilang pinuno ng 300-plus-strong na mambabatas ng House of Representatives.
Sinabi ni Romualdez nitong Sabado ng hapon sa isang panayam na mag-ingat sa “Fake news”.
Aniya, “Andito lang ako buong araw, nag-shooting ng Christmas messages at iba pa. At mamaya manonood ako ng pelikula kasama ng pamilya ko. Kahapon (Friday) naman nakasama ko ang mga governors, nag-dinner po kami.”
Sinabi pa ng Speaker na “Kagabi hindi naman ako napuyat at ang sarap ng tulog ko. Wala akong maagang appointment kaya himbing na himbing ang tulog ko, kaya refresh na refresh ako. Now, I’m feeling very, very strong and very energetic lalo na itong araw na ito,” .
Kaya naman lubos ang kanyang panawagan sa lahat na iwasan ang pagkalat ng disinformation at sa halip ay tumuon sa pagkakaisa at pagiging positibo sa panahon ng Kapaskuhan.
“Sana huwag na lang magpakalat ng fake news. Magtulungan lang tayong lahat. Positive tayo lalo na Pasko ngayon,”dagdag pa ni Romualdez.
Tantiya ng Speaker ang posibleng pinagmulan ng pinakalat na tsismis ay mula sa mga kritiko ng Kamara dahil sa nagaganap na mga pagdinig.
“Siguro naman sa mga detractors ng House lalo na sa nangyayari sa mga hearing natin. Siyempre, may nagbabatikos. Kumbaga, kasama din talaga ‘yan sa trabaho natin pero iwasan na lang natin ang pagkakalat ng fake news,” dagdag pa ng Speaker.
Ayon naman kay Atty. Lemuel Erwin Romero, Head Executive Assistant ng Speaker’s Office na ang mga paratang ay hindi totoo at inililigaw lamang ang publiko upang malito.
Sinabi ni Romero na ang mga public engagements ni Speaker Romualdez, nitong nakaraang araw ay ang pagtungo nito sa Palasyo ng Malacañang noong Disyembre 5 at 6, kung saan nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga mambabatas para sa isang Christmas fellowship at nilagdaan ang dalawang bagong batas.
Hinikayat niya ang publiko na beripikahin sa mapagkakatiwalaan na mapagkukunan ng impormasyon upang labanan ang disinformation na nagiging sanhi ng pagkasira ng tiwala sa mga institusyon .
