
INUMPISAHAN na ng Kamara ngayong Lunes ang pagtalakay ng committee of the whole sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na nagpapanukala ng pag-amyenda sa mga Articles XII, XIV at XVI ng 1987 Konstitusyon.
Binanggit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mahigpit na pangangailangan sa deliberasyon ng RBH 7, na magpapaunlad sa pakikipagkumpetisyon ng bansa sa ekonomiya, upang makahikayat ng mga dayuhang pamuhunan, at makalikha ng maraming oportunidad sa paglago.
“The times are changing. We need to adapt if we are to become more competitive globally, invite technological advancement, and provide a more conducive economic platform where people have wider opportunities for growth,” aniya.
Binigyang diin din ni Speaker na ang mga panukalang pagbabago ay nakatuon lamang sa mga reporma sa ekonomiya at walang bahid politika.
“Malinaw po sa ating lahat ang misyon natin ngayon. Baguhin ang ilang economic provisions na pumipigil sa pagpasok ng mga negosyo mula sa ibang bansa. Mga negosyong lilikha ng trabaho at magpapasigla ng ating ekonomiya. Ito lamang ang pakay natin. Ekonomiya, hindi pulitika,” giit niya.
Ang mga panukalang amyenda na nilalaman ng RBH 7 ay naglalayong gawing liberal ang mga polisiyang pang-ekonomiya, na magpapahintulot sa Kongreso na magtakda ng mga patakaran at tuntunin para sa foreign investments, na nasa mahahalagang sektor ng ekonomiya.
Ang mga probisyon sa RBH 7 ay katulad ng tinatalakay ng Senado kaugnay ng mga mahihigpit na probisyong pang-ekonomiya sa sektor ng public service, akses sa mga educational institutions at industriya ng advertising.
Nanawagan si Romualdez ng buong suporta at pakikipagtulungan sa mga miyembro ng Kamara, at sambayang Pilipino na masusing pag-aralan ang panukala, at iginiit na ang mga panukalang pagbabago ay lubos na kinakailangan para sa kaunlaran at paglago ng bansa sa hinaharap.
Binigyang halaga niya ang pangangailangan na isama ang mga dalubhasa mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga tanggapan ng pamahalaan, mga educators at players sa industriya ng advertising sa mga deliberasyon ng mga panukalang amyenda.
Idinagdag ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. na ang gagawing liberalisasyon ng mga mahihigpit na foreign ownership ay lilikha ng fair-competition environment, na gagawing mas makakakumpitensya ang mga Pilipino, at mas magiging maganda ang kanilang kabuhayan.
Ang mga resource persons na nagbahagi ng kanilang mga opinyon sa panukalang economic revisions sa Konstitusyon ay sina: National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, Department of Finance Undersecretary Zeno Ronald Abenoja, Department of Trade and Industry Assistant Secretary Agaton Teodoro Uvero, Bangko Sentral ng Pilipinas-Monetary Board Member Romeo Bernardo, Foundation for Economic Freedom President Calizto Chikiamco at IBON Foundation Executive Director Sonny Africa. Ang ilan pang mga dalubhasa ay kinabibilangan nina University of the Philippines School of Economics Professor Emeritus Dr. Raul Fabella, economist Dr. Hazel Parcon-Santos, House Congressional Policy and Budget Research Department Staff Rutcher Lacaza, Ateneo De Manila University School of Government Dean Dr. Philip Arnold Tuaño, at Philippine Constitution Association chairman Retired Chief Justice Reynato Puno.