HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Office of the Ombudsman na pagtuunan ng pansin ang pagtanggal ng nakapipinsalang red tape sa bansa, na tinukoy niyang pinakamalaking hadlang sa paglago ng ekonomiya.
“Ang red tape ang pinakamalaking balakid sa pag-unlad ng ating bansa. Imbes na padaliin natin ang buhay ng ating mga negosyante, sinasadya man o hindi, lalo natin silang pinahihirapan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance. Binigyang-diin ng senador na bahagi ng mandato ng Ombudsman ang pag-usig sa mga kasong may kinalaman sa red tape.
“Meron tayong Anti-Red Tape Authority pero ang kapangyarihang magsampa ng kaso ay nasa Ombudsman. Kailangang pagtuunan natin ito dahil ito ang pumapatay sa mga negosyo,” dagdag pa niya.
Matatandaan na noong nagdaang pagdinig ng Senado sa pondo ng Opisina ng Ombudsman, nangako si Ombudsman Jesus Remulla na makikipagtulungan sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang tukuyin ang mga programa na makatutulong sa pagtanggal ng burukratikong red tape sa pamahalaan, lalo na sa pagpapabuti ng ‘ease of doing business’. Kabilang dito ang pagpapadali o pagpapasimple ng proseso sa pagkuha ng permit para sa pagtatayo ng mga cell site, na matagal nang nakahahadlang sa maayos na pagbibigay ng serbisyo sa internet.
“Kailangang matapos na ang problemang ito. Dapat magkaisa ang lahat at magtulungan tungo sa iisang layunin,” ang naging pahayag ni Remulla sa nagdaang pagdinig ng Senado ukol sa panukalang pondo ng Office of the Ombudsman para sa susunod na taon.
