
SIMULA nang lumubog ang MT Terranova noong nakaraang linggo, tinatayang 19,000 na mangingisda ang maaaring maapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova kaya naman nararapat na magbigay ang gobyerno ng alternatibong pagkukunan ng kita sa mga naapektuhan nito, ayon kay Agri Partylist Representative Wilbert “Manoy” Lee.
Naghain ng House Resolution No. 1825 si Lee upang hilingin na magsagawa ng agarang hakbang at tulong para sa mga apektadong komunidad at matukoy ang dapat managot sa oil spill na naging lubos ang epekto sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar .
Matatandaan noong Hulyo 25, ang oil tanker na may daladalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil ay lumubog sa karagatan ng 3.6 nautical miles silangan ng Limay, Bataan.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang oil spill ay maaaring makaapekto sa 11,000 na mga mangingisda sa Bataan at 8,000 sa Bulacan, na nagdudulot ng pagkawala ng kita na P83.8 milyon at P63 milyon kada buwan .
“Thousands of fisherfolk are on the brink of losing their livelihood for months due to the oil spill. Katiting na nga lang ang kinikita ng ating mga mangingisda, posible pang mabawasan o wala na talaga silang kitain dahil sa oil spill na ito. Kailangang bilisan ang pagtukoy sa mga apektadong komunidad at ang pamamahagi ng ayuda at alternatibong pagkakakitaan lalo na kung magdeklara ng fishing ban sa Bataan, Bulacan, Cavite at iba pang apektadong lugar,”pahayag ni Lee.
Bagaman mayroong programa ang gobyerno tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (DOLE-TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), bukod pa sa iba pang programa, upang makatulong sa mga apektadong mangingisda at residente na maaaring mawalan ng kita.
Ayon pa kay Lee, “Isa pang mahalagang malaman dito ay ang coverage ng insurance ng barkong tumaob. Kailangang matukoy ang pananabikan ng kumpanya ng barko at dapat malaman ang kompensasyon para sa mga mangingisda at residente hindi lamang sa panandaliang panahon, kundi pati na rin sa pangmatagalang epekto sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.”
“Kailangang agarang maipaabot ang tulong na dapat maipaabot. Dapat managot ang dapat managot!” iginiit ni Lee.
Bagaman mabilis ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtatayo ng containment upang hadlangan ang paglaganap ng nakalalasong langis at ang agarang pagbuo ng inter-agency task force ng gobyerno, dapat tunay na maghanda ang bansa, na isang arkipelago, sa pag-aalaga sa mga epekto ng oil spills.
Ngayong buwan ng Hulyo sa pagdiriwang ng “Agriculturists’ Month”, binigyang-diin ni Lee ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta para sa mga mangingisda at mga magsasaka na tinuturing niyang “mga sundalo ng seguridad sa pagkain” sa pag-develop ng sektor ng agrikultura at pagpapagaan ng pasanin ng mga Pilipino.
“Prayoridad natin ang pagsuporta sa ating mga magsasaka at mga mangingisda dahil sila ang nagsisigurong may pagkain ang bawat pamilyang Pilipino. Kapag may tiyak silang kabuhayan, may sapat silang kita, gaganahan silang taasan ang produksyon, abot-kamay ang murang pagkain, at mawawala ang pangamba na magkasakit dahil may pambili ng gamot o pambayad sa ospital. Winner Tayo Lahat!” ayon pa kay Lee.