NANAWAGAN ang kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Office of the Ombudsman na maging patas at walang kinikilingan sa pagdedesisyon sa imbestigasyon sa umano’y flood control corruption.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, hindi dapat ituring na napagdesisyunan na ang kaso bago pa man masuri nang mabuti ang lahat ng ebidensya.
“Dapat hindi pre-ordained ang resulta. We can only hope for fairness,” ani Fajardo nitong Huwebes.
Reaksyon ito ng abogado sa mga ulat na malapit nang maglabas ng resolusyon ang Ombudsman matapos matanggap ang mga isinumiteng counter-affidavit ng mga respondent.
Nilinaw ni Fajardo na bahagi lamang ng preliminary investigation ang pagsusumite ng counter-affidavit at hindi ito nangangahulugang may kasong naisampa na sa korte o napatunayang guilty ang mga respondent.
Nagsumite si Romualdez ng kanyang unang counter-affidavit noong Agosto 7. Naghain din umano ang kanyang kampo ng supplemental counter-affidavit nitong Huwebes, kasama ang mga pahayag ng 25 dating security, administrative at close-in aides na konektado kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Kasama rin sa isinumiteng dokumento ang iniulat na pagbawi ni Orly Guteza sa kanyang mga naunang alegasyon.
Giit ni Fajardo, nasagot na ng kanilang kampo ang lahat ng alegasyong iniharap ng special panel ng Ombudsman.
Wala rin umanong direktang ebidensya na nag-uugnay kay Romualdez sa sinasabing money delivery scheme o sa alinmang flood control project.
Ayon sa abogado, tila nakasandig lamang ang alegasyon sa pagiging Speaker ni Romualdez noong si Co ang chairman ng House Committee on Appropriations.
Paliwanag niya, kolektibong proseso ang pagbuo ng national budget na dumaraan sa Kamara, Senado at ehekutibong sangay.
Kaya naman, giit ng kampo ni Romualdez, hindi sapat ang posisyon ng isang Speaker para patunayang sangkot siya sa isang ilegal na transaksyon.
