NAGBABALA si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo laban sa mga scammer na humihingi ng donasyon para sa mga nasalanta ng kalamidad, kabilang ang epekto ng bagyo at habagat.
Nabuking ni Lacson ang isang scammer na nagpapanggap bilang si dating Rep. Josephine Sato at humihingi ng “financial support” para muling itayo ang isang orphanage sa Occidental Mindoro province.
“SCAMMER ON THE LOOSE: This person, misrepresenting himself as ex-Cong Nene Sato contacted the wrong guy when he asked me for financial support to rebuild a ‘typhoon damaged orphanage building’ in Occidental Mindoro. I have his real identity, even his photo on his SSS ID. GOTCHA, IDIOT!” ani Lacson sa kanyang X account Linggo ng umaga.
Nai-post din ni Lacson sa kanyang X account ang mga screenshot ng mensahe sa Viber galing sa scammer, na gumamit ng larawan ng dating mambabatas sa kanyang profile.
Sa mga screenshots ni Lacson, makikita na nagbigay pa ang scammer ng “Gcash Donation Drive” number na diumano’y para sa orphanage.
Ani Lacson, nakikipagugnayan na siya sa awtoridad para mahuli ang scammer na ito.
Muling nagpaalala ang mambabatas na mag-ingat ang publiko laban sa mga ganitong manloloko, lalo na at hindi pa naka-recover ang mga nasalanta ng nakaraang sakuna.
