NAKIISA si Senador Alan Peter Cayetano sa buong Senado sa pagpapahayag ng pagtutol sa kumakalat na “People’s Initiative” na layong mangalap ng sapat na pirma para maamyendahan ng Kongreso ang 1987 Constitution.
“We are one with the Senate in opposing the ongoing People’s Initiative that may diminish the power of the Senate as a collective body,” wika ni Cayetano matapos basahin ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa sesyon noong Martes, January 23, 2024, ang pahayag na pinirmahan ng 24 senador.
“We must… guard against any sinister and underhanded attempt to change the Constitution by exploiting our democratic process under the guise of people’s initiative,” ayon sa pahayag.
Tugon ito sa ulat na may mga dokumentong kumakalat sa bansa na lumilikom ng pirma upang gawing iisa lamang ang pagboto ng Kongreso at Senado sa isang constituent assembly.
Kapag nangyari ito, kayang baguhin ng House of Representatives, na may higit sa 300 miyembro, ang Saligang Batas dahil mas marami sila kaysa sa 24 na miyembro ng Senado.
“It is ridiculous that the Senate, a co-equal chamber of the House, necessary to pass even local bills, will have a dispensable and diluted role in Charter Change – the most monumental act of policymaking concerning the highest law in the land,” ayon sa pahayag ng Senado.
Binigyang-diin din ng pahayag na magiging “powerless” and Senado sa pagpigil ng mga “radical proposals,” tulad ng pagpayag na magmay-ari ng lupa ang mga dayuhan, pagsuspinde ng term limits ng mga elected officials, at maging ang pagkansela ng eleksyon sa taong 2025 o 2028.
Sa pagsasaad ng suporta sa Senado, sinabi ni Cayetano na mahalaga ang “timing’ sa pag-amyenda ng Konstitusyon, at kailangang masusing suriin ang bawat desisyon na may kinalaman sa bagay na ito.