INATASAN na ni Senate President Alan Peter Cayetano si Senate Secretary Atty. Jose Luis Montales na tiyaking hindi maaantala ang impeachment trial sa Senado.
Sa isang liham nitong June 7, 2026, inatasan ni Cayetano si Montales na makipag-usap kay Atty. Renato Bantug Jr., ang sinasabing Senate Secretary ng Gatchalian bloc, upang bumuo ng mga posibleng pansamantalang administrative arrangements para matiyak na tuloy-tuloy ang trabaho ng Senate Impeachment Court sa kabila ng panghahamon sa lehitimong liderato.
Sa ilalim ng aprubadong impeachment calendar, nakatakdang ilabas ng impeachment court ang Notice of Pre-Trial bukas, June 9, 2026, hudyat ng pagsisimula ng pre-trial proceedings.
Binigyang-diin ni Cayetano na bagama’t naninindigan siyang “substantial and unmistakable” ang pagiging ilegal ng nangyaring reorganisasyon sa Senado noong June 3, hindi dapat hayaang maparalisa ng kontrobersiya ang Senado at maantala ang impeachment proceedings.
“Pending resolution [by the Supreme Court], it is imperative that the resulting legal and political dispute not be allowed to unnecessarily disrupt the operations of the Senate, impair the work of the Impeachment Court, or diminish the institution’s ability to discharge its constitutional responsibilities,” giit ni Cayetano.
Bilang pagtupad sa direktiba ng Senate President, sumulat si Montales kay Bantug nitong June 8 upang humiling ng isang pagpupulong para pag-usapan ang mga “possible way forward”.
Isa sa mga posibleng interim arrangement na binanggit niya ay ang dual-signatory o joint-certification mechanism para sa mga voucher, tseke, disbursements, kontrata, at iba pang dokumentong kailangan para sa operasyon ng Senado at ng Impeachment Court.
Sa ilalim ng mungkahing set-up, dalawang opisyal muna ang pipirma sa mga dokumentong nangangailangan ng approval o certification: ang mga indibidwal na kasalukuyang gumaganap sa tungkulin at ang mga naggigiit ng kanilang awtoridad sa parehong tungkulin..
Nilinaw naman ni Cayetano na ang naturang mekanismo ay isa lang “practical and institutional measure” para matiyak na tuloy-tuloy ang trabaho ng Senado sa ilalim ng Konstitusyon sa gitna ng isang “extraordinary situation”.
Dagdag pa niya, paraan ito para hindi malagay sa alanganing sitwasyon ang mga empleyado ng Senado.
“They should not be subjected to pressure arising from matters beyond their duties and competence to determine.
Public servants who have faithfully served this institution for many years should not become collateral casualties or unwilling instruments in a legal and political conflict not of their making,” pahayag ni Cayetano.
