February 25, 2024

Special session para sa tax suspension ng krudo

Ni: Crema Limpin

SPECIAL session ang hiling ng isang kongresistang kaalyado na nais talakayin sa Kamara at Senado ang nakabinbing panukalang suspensyon sa pagongolekta ng buwis sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor, kinakailangan aniyang magpatawag ng special session sina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III upang tugunan ang panaghoy ng publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo ng  gasolina, krudo at kerosene sa merkado.

Partikular niyang tinukoy ang panawagan nina Rep. Mikee Romero at Rep. Carlos Zarate para sa agarang suspensiyon sa umiiral na pagpapataw ng excise at value-added tax (VAT) na awtomatikong nakokolekta ng pamahalaan sa tuwing bibili ng mga produktong petrolyo ang mga motorista sa mga pumping stations ng mga kumpanya ng langis.

 Pag-amin pa ni Defensor, tanging ang suspensyon lang ng mga excise tax at VAT ang solusyon sa lingguhang pasakit na dagdag-presyong sukdulang nakaapekto na rin aniya sa iba pang pangunahing bilihin sa mga pamilihan.

“I support the proposal of my colleagues. We have to act fast to provide relief to our people in the wake of soaring gas prices, which have now increased by more than P20 per liter due to the Covid-19 pandemic and the heightening tensions between Russia and Ukraine and its western allies,” ani Defensor.

 Diin pa ng kongresista, di na angkop na umabot pa sa mga kilos protesta ang hinaing ng mga Pilipino, bagay na maiiwasan kung magkukusa na sina Velasco at Sotoo.

Pangamba pa niya, mas malaki ang mawawala sa sandaling mapilay ang transport sector, bukod pa sa nakaambang labor strike bunsod ng hindi maawat na pagmamahal ng mga produktong petrolyo.

Di rin aniya dapat ipagwalang-bahala ang epekto ng tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia – mga estadong kapwa nag-aambag ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.

“We don’t have control over the worsening situation in Russia-Ukraine, but we certainly have control over the taxes we have imposed on our people,” paliwanag ni Defensor kasabay ng pagtukoy sa biglang pagpalo sa $100 kada bariles ng langis sa world market – malayo sa $60 per barrel na naitala nitong nakaraang taon.

 “What do we do if the price of oil hits $120-$130 per barrel and domestic fuel prices breach P100 per liter?” pasaring pa niya kina Velasco at Sotto sa gitna ng kawalang aksyon ng Palasyo. “President Duterte may be waiting for what our leaders in Congress have to say on the proposed special session to reduce oil taxes and fuel prices. After all, it was the legislature that imposed and even increased these levies.”